Respuesta :

Isang Pasasalamat Para sa Guro

Kung ano ako ngayon ay utang ko sa aking guro. Ang aking guro na siyang nagtiyaga na turuan akong magbasa, magsulat, at magbilang. Guro na walang ibang hangad kundi ako ay ihanda para sa kinabukasan. Guro na siyang nagtitiyagang ipaintindi ang mga di maintindihan, ang mga bagay na aking inakala ay hindi ko kayang manamnam. Sa bawat segundo na ako ay nasa loob ng kanyang silid-aralan ay kanyang isinisiguro na makuha ko ang mga dapat na malaman. Hindi niya hinahayaang mapalampas ko ang pagkakataon na mapunan ang isip ko ng mga kaalaman, kaalaman na siya ring aking gagamitin para sa kinabukasan.

Guro ko na hindi makuhang magalit. Na kahit hindi ko nagawa ang kanyang mga itinakda ay sasalubungin pa rin niya ako ng matamis na ngiti, ngiting nagpapahiwatig na kahit ako ay may pagkukulang ay siya pa rin niya akong tatanggapin. Ngiting nagpapaalala na ang lahat ay kaya ko namang gawin basta aking nanaisin. Guro ko na gagampanan ang kanyang maharlikang tungkulin na hindi naghihintay ng kapalit. Hindi niya inaasahan na ako ay magpasalamat, ang importante lang sa kanya ay nakuha ko ang leksiyon na kanyang ipinamahagi. Guro ko na kahit minsan siya ay may karamdaman ay nagpupumilit pa ring pumasok sa paaralan, dahil siya ay nag-aalala kung sino ba ang mag-aaruga sa kanyang mga munting alaga. Guro na tumatayong ama at ina sa loob ng paaralan, na nagmamahal at nagmamalasakit kahit alam niya na ako ay makakasama lamang niya ng panandalian. Guro ko na napupuyat sa kakahanda ng kanyang mga leksiyon, napupuyat sa kakaisip kung paano niya ipapaliwanag ang mga bagay-bagay sa munti at inosente kong isipan. Guro ko na may suot ng makapal na salamin dahil lumalabo ang kanyang mga mata sa kababasa para lamang may maibahaging bagong kaalaman. Guro ko na ilang bagyo na ang sinuong, ilang baha na ang tinawid, ilang gutom na ang ipinalipas para lamang magawa ang obligasyon niya sa akin.

Guro ko na nagbukas sa aking mga mata sa katotohanan. At hindi lamang niya ipinakita sa akin ang riyalidad kundi inihanda niya rin ako para harapin ang tunay na mundo. Siya rin ang nagturo sa aking magbasa, hindi lamang ng ibong adarna, kundi pati kung paano basahin ang lipunan na aking kinabibilangan. Guro ko na gumabay sa aking kamay magsulat hindi lamang ng abakada kundi pati ng mga paksang may kabuluhan. Ipinakita niya sa akin na sa paghawak ng lapis ay hindi lamang ang mga letra ang aking kontrolado kundi pati ang aking mundo. Guro na siyang nagsabing ako man ay may kapangyarihan, na kaya kong bigyan ng pag-asa ang mga nanglulumo. Siya rin ang nagsabing kaya kong simulan ang pagbabago, pagbabagong hinahangad ko sa mga panaginip ko. Guro kong nagbigay inspirasyon at palaging nagpapa-aalala na sa darating na panahon ay ako naman ang magsisilbing pag-asa para sa iba. Guro kong nagpalakas ng aking loob, gurong nagsabing may silbi ako dito sa mundo.

Hope it helps!

pa follow Po follow back ko Po kau!